Tubbataha

Ang USS Guardian ay isang minesweeper, malakas na barko de giyera ng US. (Larawan mula sa http://www.businessinsider.com/us-minesweeper-uss-guardian-south-china-sea-faulty-map-david-cenciotti-the-aviationist-2013-1)

Ang USS Guardian ay isang minesweeper, malakas na barko de giyera ng US. (Larawan mula sa http://www.businessinsider.com/us-minesweeper-uss-guardian-south-china-sea-faulty-map-david-cenciotti-the-aviationist-2013-1)

ISANG MALAKING PALAISIPAN sa akin ang naging pagpasok at pagkakabahura ng barkong pandigma ng Estados Unidos na USS Guardian na sumisira ngayon sa isa sa pinakamalaking santwaryo ng mga isda, korales, mga pawikan, at iba pa dahil sa pagkakabinbin nito doon.

Samu’t saring usapin ang iniluwal ng nasabing pagkakabahura ng minesweeper ng pinakamalakas at pinakamakapangyarihang bansa sa mundo, ang Estados Unidos. Hindi lamang isyung pangkalikasan ang binuksan ng nasabing aksidente, kundi maging ang usapin na matagal nang nag-uukok sa utak at kaluluwa ng mulat na mga mamayan: ang patuloy na pambabastos ng Estados Unidos sa soberanya ng maliliit na bansa at ang walang gulugod na pagsunod ng gobyernong Pilipino sa dikta ng Estados Unidos na itinuturing ng iba na makabagong Babilonya ng daigdig.

Nagkakaisa ang mga grupo na ilegal ang pagpasok ng nasabing barko de giyera ni Uncle Sam sa deklaradong protected area. Ngunit ang tanong: ano ang gagawing hakbang ng gobyerno para papanagutin ang gobyernong Amerikano sa pangyayaring ito na hindi lamang nakasira ng bahurang mahalaga para mapanatiling balanse ang ecosystem ng mundo, kundi pati sa tahasang pambabastos sa batas na ipinatutupad sa Pilipinas ukol sa hindi pinahintulutang paglalayag ng nasabing barko de giyera sa katubigan ng Pilipinas?

Ayon sa umiiral na batas, dapat na managot ang mga sangkot sa naturang pagkakabahura ng barko (na lalo pa ngayong nagsasapanganib ng ekta-ektaryang bahura habang patuloy na inuuguy-ugoy ng alon ang nasabing barkong pandigma ng Estados Unidos), at makulong ito nang mula anim na buwan, subalit hindi lalampas ng isang taon at pagmultahin nang hindi bababa ng P100,000 subalit hindi rin lalampas sa P300,00o. Subalit sapat na ba ito?

Nakatutuwang nananawagan ngayon ang isa sa mga ka-partido ni Pang. Benigno C. Aquino III na si Sen. Francis “Kiko” N. Pangilinan ng imbestigasyon sa naturang pangyayari at inuungot sa gobyernong Barack Obama na upuan at siyasatin ang kaganapang ito nang husto. Ayon sa senador, hindi sasapat ang “public apology” lamang yamang malaki ang nasalanta sa pagkakabahura ng USS Guardian sa Karagatan ng Sulu. 

Subalit sa aba nating palagay, hindi lamang dapat na panagutin ang Estados Unidos sa ginawang ito ng kanilang mga sundalo, kundi singilin sa malaon nang pakikialam sa patrimonya at pambansang soberanya ng bansa. Gayunman, sabihin mang pagmamalabis ang obserbasyong ito ng inyong lingkod, naniniwala tayong walang gulugod ang ating pambansang gobyerno na papanagutin ang pinakamalapit at pinakamahigpit na alyado nito. Dahil kung kaya, hinding-hindi tayo mangungunyapit sa pundilyo ng gobyernong Amerikano at maging sa iba pang malalakas na bansa.

  1. No trackbacks yet.

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s

%d bloggers like this: