Soberanya, hustisya, demokrasya

NOONG ika-22 ng Enero, ginunita ng mga magbubukid ang ika-26 na anibersaryo ng kahindik-hindik na masaker ng 13 magsasaka na nagdemonstrasyon noon sa Mendiola para hingin sa kaluluklok pa lamang na presidente na si Gng. Corazon Cojuangco-Aquino upang hilingin sa tinaguriang “Ina ng Demokrasya”, na ipatupad nang malawakan at masinsinan ang repormang agraryo upang kahit papaano, maibsan ang pagdurusa at paghihirap ng mga magsasaka. Subalit sa halip na harapin nang mahusay, pinaulanan ang mga nagrarali ng bala.

Bagaman nagkaroon ng imbestigasyon, walang napapanagot sa nabanggit na krimen. Kaawa-awang mga magsasaka: pinagkaitan na nga ng karapatan na magmay-ari ng lupang sinasaka na ang kita ay kinokopo ng mga asendero, namatay pang walang kalaban-laban, at magpahanggang ngayon, nilamon na ng lupa ang kanilang buto at laman, mailap pa rin sa kanila ang yakap ng katarungan.

Hindi siguro maiisip ng kasalukuyang henerasyon ang kahalagahan ng aral ng masaker sa Mendiola, ang pinakalagusan sa pinakalalaugan ng kapangyarihan sa bansa; hindi lamang dahil wala tayong gaanong nauunawaan sa kasaysayan, kundi patuloy na pinagtatakpan ng pinagtagpi-tagping ilusyon ang tunay na katotohanan.

Sa Pilipinas kung tutuusin, walang tunay na demokrasya sapagkat ang nasa poder ay ang iilang makapangyarihang pamilyang kumukontrol sa tatlong suhay ng lipunang ito: kultura, ekonomiya, at pulitika. Hindi na dapat ipagtaka pa kung bakit sa kabila ng yaman ng bansang ito ay hindi malasap ng nakararaming mamamayan ang kariwasaang tinatamasa ng iilang apelyidong laging laman ng seksiyong pangkabuhayan, pangkagandahan at lifestyle ng mga pahayagan at magasin.

Ipagkaila man nilang nasa katungkulan, walang tunay na soberanya at walang tunay na nagtatanggol sa patrimonya ng bansa. Huwag nilang sabihing komunista ang kolumnistang ito dahil sa pagsulat ng katotohanang ito: miron tayong nag-oobserba, miron tayong nagsusuri, at miron tayong nagsasalita. Kung tunay na mayroong soberanya sa Pilipinas, ano’t nakasandig tayo sa gobyernong Amerikano at iba pang malalakas na bansa para linangin ang mga likas-yamang atin naman kung tutuusin? Malinaw ang pagkakasadsad ng isang barkong pandigma ng Estados Unidos sa Tubbataha Reef sa Dagat ng Sulu sa katotohanang wala tayong tunay na soberanya sapagkat pinapayagan nating manghimasok ang dayuhang kapangyarihan sa ating mga katubigan at kalupaan, makialam sa ating pampulitika at pang-ekonomiyang mga desisyon gaya na lamang sa kontrobersiyal na Reproduction Health Law, at maging sa iba pang patakarang pangkabuhayan na may kinalaman sa pagmamay-ari ng lupa, ng utilidades at iba pang mahahalagang sektor ng ekonomiya.

Sino ang makapagsasabing mahusay ang ating sistemang pangkatarungan gayong napakaraming kaso ng pagpatay, pagdukot at pagpapahirap, na sangkot ang diumano’y mga alagad ng batas at militar, ang magpahanggang ngayon ay hindi nalulutas o nasosolusyunan? Hindi sapat ang paratang ng pagiging subersibo o komunista o terorista para sikilin ang karapatang makapagpahayag, karapatang makapaglayag, at karapatang mabuhay ng isang tao.

Subalit higit pa rito ang inhustisya at karahasang nagaganap sa ating bansa. Sapagkat ayon nga sa bayaning Hindu na si Mohandas K. Gandhi, na kilalang Mahatma Gandhi, “ang karalitaan ang pinakamataas na uri ng paglabag sa karapatang pantao.” Ngayon, mga kababayan, nasaan sa bokabularyo ng ating bansa ang mga salitang demokrasya, soberanya at hustisya?

About these ads
  1. No trackbacks yet.

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s

Follow

Get every new post delivered to your Inbox.

%d bloggers like this: